Ginto Para sa Pinas: Pinoy student, wagi sa ‘International Loving-Peace Art Competition’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:43:34
PASIG CITY, Philippines — Ipinagmalaki ng Pilipinas ang tagumpay ng batang alagad ng sining na si Prince R.M.B. Ikan mula sa Gen. Emilio Aguinaldo–Bailen Integrated School matapos niyang maiuwi ang Gold Award sa Division 3 ng 7th International Loving-Peace Art Competition na ginanap sa Ortigas Center.
Ang prestihiyosong patimpalak ay inorganisa ng International Women’s Peace Group (IWPG), na dinaluhan ng kabuuang 15,932 artworks mula sa 40 bansa, patunay sa mataas na antas ng internasyonal na kompetisyon.
Makikita sa winning artwork ni Ikan ang isang kalapati at mga taong magkakahawak-kamay na kumakatawan sa iba’t ibang lahi. Ayon sa inilabas na press release, sumisimbolo ito ng “mutual understanding beyond borders,” o pagkakaunawaan ng mga mamamayan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura at nasyonalidad.
Bukod sa Gold Award ni Ikan, kinilala rin ang iba pang mga mag-aaral na Pilipino. Si Althea Cleona Q. Dela Rea ng Limay Community School ay nagwagi ng Silver Award sa Division 1, habang sina Anica Jeine Hiso ng Kapalong National High School at Zaijan V. Sumbong ng St. Francis National High School ay parehong tumanggap ng Bronze Award sa Division 3. Ang mga parangal na ito ay patunay ng patuloy na pag-angat ng talento ng kabataang Pilipino sa larangan ng sining sa pandaigdigang entablado, at nagbibigay inspirasyon sa mas marami pang mag-aaral na paggamitin ang sining bilang daluyan ng kapayapaan at pagkakaisa. (Larawan:DEPED / Facebook)
