9 na mangingisda, ligtas matapos lumubog ang bangka sa malapit sa Anini-y, Antique
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:36:20
ANTIQUE — Ligtas na ang siyam na mangingisdang sakay ng Fishing Banca Kim Syvil matapos lumubog ang kanilang bangka noong Disyembre 7, 2025 sa karagatan malapit sa Anini-y.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente humigit-kumulang 19 nautical miles mula sa Nogal Island. Agad na rumesponde ang mga awtoridad nang matanggap ang distress call, at mabilis na isinagawa ang rescue operation upang masiguro ang kaligtasan ng mga tripulante.
Matapos mailigtas, agad na inihatid ang mga mangingisda sa Iloilo para sumailalim sa medical examination at mabigyan ng agarang tulong. Ayon sa mga opisyal, nasa mabuting kondisyon na ang lahat ng nasagip at wala umanong nagtamo ng malubhang pinsala.
Batay sa paunang imbestigasyon, biyaheng Palawan pa-Iloilo ang grupo at patungo sana sa Iloilo Fish Port Complex upang ibenta ang kanilang huling isda nang mangyari ang aksidente. Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng paglubog ng bangka, kabilang na ang posibilidad ng masamang lagay ng panahon o teknikal na problema sa sasakyang-dagat. Samantala, pinuri ng mga lokal na opisyal ang mabilis na aksyon ng rescue teams na siyang nagligtas sa buhay ng siyam na mangingisda. Patuloy namang pinaalalahanan ang mga mangingisda na maging maingat sa paglalayag, lalo na sa panahon ng pabago-bagong kondisyon ng dagat. (Larawan: Coast Guard District Western Visayas / Facebook)
