ICU patient patay, 17 iba pa nailigtas nang lamunin ng apoy ang ospital sa Bulacan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-08 19:20:03
DISYEMBRE 8, 2025 — Isang pasyente sa Intensive Care Unit (ICU) ang nasawi habang 17 iba pa ang nailikas matapos lamunin ng apoy ang Our Lady of Mercy General Hospital sa Barangay Longos, Pulilan, madaling-araw ng Lunes.
Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Marcelino Leonardo, retiradong pulis, na agad na inilikas mula sa ikatlong palapag kung saan nakapuwesto ang ICU. Gayunman, binawian siya ng buhay ilang minuto matapos mailabas sa gusali.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ng alkalde, nagsimula ang sunog bandang ala-una ng madaling-araw sa likod ng isang refrigerator sa botika ng ospital sa ikalawang palapag. Mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa ikatlong palapag.
Habang nagaganap ang insidente, nailikas ang 17 pasyente mula sa ikalawang palapag patungo sa ligtas na lugar. Sila ay agad na dinala sa kalapit na mga ospital para sa karagdagang gamutan.
Mahigit apat na oras nakipaglaban ang mga bumbero bago tuluyang ideklarang kontrolado ang sunog dakong 5:40 a.m. Tumugon sa operasyon ang mga fire responders mula Pulilan at karatig-bayan, kasama ang pulisya at mga volunteer group.
Nagpasalamat si Peralta sa mabilis na aksyon ng mga rumesponde.
“Their swift action prevented the fire from engulfing the entire hospital building and causing more casualties,” aniya.
(Ang kanilang agarang aksyon ang pumigil sa paglamon ng apoy sa buong gusali ng ospital at nakaiwas sa mas maraming biktima.)
Sa kabila ng pagkasawi ni Leonardo, itinuring na kritikal ang naging papel ng mga bumbero at volunteers sa pagligtas sa iba pang pasyente. Patuloy namang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong trahedya.
(Larawan: Wikipedia)
