Arrest warrants laban sa mga senador, posibleng lumabas sa susunod na linggo — Remulla
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-08 19:52:26
DISYEMBRE 8, 2025 — Nagbabadya ang Office of the Ombudsman ng posibleng paglabas ng mga mandamyento ng pag-aresto laban sa ilang senador at dating senador sa darating na linggo, ayon kay Ombudsman Boying Remulla.
Sa panayam ni Karen Davila noong Disyembre 8, kinumpirma ni Remulla na kasalukuyang binubuo ang mga kaso laban kina Sen. Chiz Escudero, Sen. Mark Villar, at dating mga senador Nancy Binay at Grace Poe.
Nang tanungin kung may posibilidad na agad lumabas ang mga warrant, sagot ni Remulla, “Possible … maybe next week.”
(Posible … baka sa susunod na linggo.)
Ipinaliwanag ng Ombudsman na nasa yugto pa ng case build-up ang kanilang tanggapan, o ang proseso ng pangangalap ng ebidensya bago magpasya kung magsasagawa ng preliminary investigation.
“We're doing the case build-up now. We're doing preliminary work. Lahat ng kailangang gawin, ginagawa,” aniya.
(Ginagawa namin ngayon ang case build-up. Nasa paunang proseso kami. Lahat ng kailangang gawin, ginagawa.)
Noong Disyembre 3, pormal na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ang mas malawak na imbestigasyon laban sa apat na mambabatas. Ang referral ay nakabatay sa testimonya ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo, na nagsabing tumanggap umano ng kickbacks mula sa mga proyekto sa flood control ang mga nabanggit na opisyal.
Mariin namang itinanggi ng mga senador ang akusasyon. Si Binay, iginiit na wala siyang kinalaman sa flood control projects at wala ring tauhan na maaaring magsagawa ng naturang modus. Si Villar ay tinawag na “baseless” ang paratang laban sa kanya. Si Poe naman ay nagpahayag na hindi siya kailanman nakibahagi sa anumang uri ng katiwalian.
Binigyang-diin ni Remulla na hindi minamadali ng kanyang opisina ang proseso.
“Kasi nga, ang sinasabi namin, haste makes waste. Baka mamaya file ka nang file ng kaso, madismiss naman … Hindi natin gustong gawin yan,” aniya.
Dagdag pa niya, layunin ng Ombudsman na maiwasan ang pagbibigay ng mahihinang kaso na magpapabigat lamang sa korte at mag-aaksaya ng oras ng lahat ng sangkot.
(Larawan: Philippine News Agency)
