₱143-milyon pondong na-delay nang matagal para sa 896 Barangay ng Maynila, ipina-rerelease na ni Mayor Isko Moreno
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:17:00
MANILA, Philippines — Inanunsyo ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng mahigit ₱143 milyong halaga ng matagal nang nakabinbing pondo para sa 896 barangay ng Lungsod ng Maynila — isang hakbang na naglalayong linisin ang backlog na umabot ng mahigit dalawang taon at buhayin ang mga bagong alokasyon sa ilalim ng 2025 budget.
Saklaw ng pagpapalabas ng pondo ang Barangay Clearance Share mula Enero 2023 hanggang Setyembre 2025, ang Barangay Development Fund para sa taong 2025, at ang 30 porsiyentong bahagi ng mga barangay mula sa Real Property Tax (RPT) collections ng lungsod mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.
Ayon kay Domagoso, ang Barangay Clearance Share ay kita na legal na nakalaan para sa mga barangay batay sa isang city ordinance na ipinasa noong una niyang termino, alinsunod sa Anti-Red Tape Act at Ease of Doing Business law.
Ipinaliwanag ni Manila City Treasurer Paul Vega na nang lumipat ang lungsod sa full online business permit processing sa pamamagitan ng Go Manila, hindi na kinailangang kumuha ng direktang barangay clearances ang mga aplikante. Dahil dito, naipon sa central system ang koleksiyon at hindi agad naibalik sa mga barangay sa loob ng ilang taon.
Inaprubahan din ng alkalde ang pagpapalabas ng Barangay Development Fund na nagkakahalaga ng ₱12,000 kada barangay para sa 2025. Bagama’t maliit ang halaga, inaasahang makatutulong ito sa mga pangunahing operasyon at maliliit na programang pangkomunidad.
Kasama rin sa inilabas na pondo ang 30 porsiyentong bahagi ng barangay mula sa RPT collections ng lungsod, alinsunod sa Local Government Code. Ayon sa City Treasurer’s Office, ang kabuuang halaga ng mga nailabas na pondo sa anim na distrito ay lumampas na sa ₱143 milyon hanggang Oktubre 30, 2025. Tinawag ni Moreno ang hakbang na ito bilang mahalagang bahagi ng kanyang layunin na maibalik ang tiwala ng mga barangay sa lungsod at masiguro ang tuloy-tuloy at maaasahang pondo para sa frontline services ng mga komunidad.
(Larawan: MANILA PIO / Facebook)
