‘Walang manileñong magugutom’ — Mayor Isko, pinangunahan ang pamamahagi ng ‘Noche Buena’ boxes
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:08:59
MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Isko Moreno na walang Manileñong dapat magutom ngayong Pasko, makaraang personal niyang pangunahan ang pamamahagi ng Christmas Noche Buena Boxes sa Baseco Compound.
Sa kanyang mensahe sa mga residente, sinabi ni Moreno na kahit nahaharap sa mga hamon ang maraming pamilya, sisikapin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na may maihain pa ring pagkain na pagsasaluhan sa bisperas ng Pasko. “Kahit tayo ay gipit, ang inyong Pamahalaang Lungsod nagtulung-tulong kami makahanap ng paraan kasi gusto ko ngayong Pasko walang magutom sa Lungsod ng Maynila,” ani ng alkalde.
Kasama niya sa aktibidad sina Chi Atienza at mga konsehal ng District 5, na tumulong sa maayos na pamimigay ng mga kahon na naglalaman ng mga sangkap para sa tradisyunal na handang Noche Buena. Masaya namang sinalubong ng mga residente ang naturang inisyatiba, na ayon sa kanila ay malaking tulong lalo na sa mga pamilyang kapos sa buhay.
Ang Baseco Compound ay isa sa mga komunidad na itinuturing na masinsin at kabilang sa mga prayoridad ng lokal na pamahalaan pagdating sa mga programang pangkapakanan. Ayon sa City Hall, bahagi ang pamamahagi ng Noche Buena Boxes sa mas malawak na programa ng lungsod upang matiyak na ramdam ng bawat Manileño ang diwa ng Pasko sa kabila ng kahirapan ng buhay. Patuloy ang pamahalaang lungsod sa paghahatid ng serbisyong may malasakit habang papalapit ang Kapaskuhan, bilang pagsasabuhay ng pangakong “walang Manileñong magugutom.” (Larawan: MANILA PIO / Facebook)
