Malawakang ilegal na pagtotroso at pag-uuling, natuklasan sa Sta. Lucia Watershed sa Tayabas, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 22:57:33
TAYABAS, Quezon — Nadiskubre ng City ENRO ng Tayabas City ang dalawang magkahiwalay na insidente ng iligal na pagtotroso at pag-uuling sa loob ng Sta. Lucia Watershed, na matatagpuan sa Barangay Ilayang Ilasan at Barangay Valencia.
Ayon sa ulat, isinagawa ang pagtuklas noong Disyembre 2, 2025 sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya ng mga forest ranger, katuwang ang mga volunteer ng TAPAT Kalikasan mula sa dalawang barangay. Sa tinaguriang “Area 1,” tinatayang mahigit isang ektarya ng kagubatan ang naapektuhan at humigit-kumulang 60 punong-kahoy na natural na tumubo ang ilegal na naputol. Ipinapakita nito ang indikasyon ng malawakang operasyon ng pagtotroso at pag-uuling sa nasabing lugar.
Samantala, sa “Area 2” na may lawak na mahigit 200 metro kuwadrado, natukoy ang malinaw na palatandaan ng pagputol ng mga puno na inihahanda para sa paggawa ng uling. Nakarekober pa ang mga awtoridad ng guide bar ng isang chainsaw, bagama’t wala nang naabutang tao sa lugar nang isagawa ang inspeksyon.
Binigyang-diin ng City ENRO na ang mga insidenteng ito ay malinaw na paglabag sa mga umiiral na batas pangkalikasan at itinuturing na seryosong banta sa integridad ng watershed na kritikal sa suplay ng tubig at proteksyon laban sa pagbaha sa lungsod. Iniulat na ang insidente sa mga barangay at sa DENR-CENRO Tayabas para sa agarang aksyon. Tiniyak ng pamahalaang lungsod na paiigtingin pa ang bantay-gubat operations at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang maprotektahan ang natitirang likas na yaman ng Tayabas City laban sa patuloy na banta ng iligal na gawain.
(Larawan: Tayabas Heritage Channel / Facebook)
