Batas laban sa agarang pagkansela ng hindi nagamit na data, pasado na sa Kongreso
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-08 18:34:14
DISYEMBRE 8, 2025 — Sa botong 222-0, tuluyang ipinasa ng Kamara ang House Bill 87 o tinaguriang Roll-Over Internet Law na layong ipagbawal ang agarang pagkakansela ng hindi nagamit na data ng mga internet subscriber. Ang panukala ay inakda nina Cavite Representatives Ramon Jolo Revilla III at Lani Mercado-Revilla, kasama si Agimat party-list Rep. Bryan Revilla.
Sa ilalim ng batas, ang data na hindi nagamit mula sa mga promo package ay maaaring ipunin hanggang sa katapusan ng taon, basta’t agad na magre-renew ang subscriber matapos ang expiration ng promo. Kung sakaling hindi mag-renew, 20% ng natitirang data ang mawawala kada araw hanggang sa maubos o ma-activate muli ang subscription.
May probisyon din na ang naipong data sa loob ng isang taon ay maaaring gawing rebate na magagamit pambayad sa internet service sa susunod na taon. Layunin nitong bigyan ng mas patas na benepisyo ang mga gumagamit ng prepaid at postpaid promos.
Binanggit ng mga may-akda na ang kasalukuyang sistema ay hindi makatarungan.
“For postpaid users, this often means forfeiting paid but unused megabytes or gigabytes. For prepaid subscribers, it means re-purchasing similar data promos just to maintain connection – often without maximizing their previous allocations,” ayon sa explanatory note ng panukala.
(Para sa mga postpaid user, madalas ay nawawala ang binayaran ngunit hindi nagamit na megabytes o gigabytes. Para sa mga prepaid subscriber, napipilitan silang muling bumili ng parehong data promos para manatiling konektado – kadalasan nang hindi nasusulit ang naunang alokasyon.)
Dagdag pa ng mga may-akda, ang panukala ay hakbang para palakasin ang digital inclusion.
“The measure strengthens digital inclusion, especially for students, remote workers, small business owners, and families who are now more reliant than ever on online platforms,” anila.
(Pinatitibay ng panukala ang digital inclusion, lalo na para sa mga estudyante, remote workers, maliliit na negosyante, at mga pamilya na higit na umaasa ngayon sa online platforms.)
(Larawan: Philippine News Agency)
