Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dawlah Islamiyah bomb expert patay sa military ops sa Maguindanao del Sur

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-08 16:35:03 Dawlah Islamiyah bomb expert patay sa military ops sa Maguindanao del Sur

MAGUINDANAO DEL SUR — Patay ang isang bomb expert at lider ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) sa ikinasang operasyon ng militar sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Linggo, Disyembre 7.

Kinilala ng 601st Infantry Brigade ang nasawi na si Ustadz Mohammad Usman Solaiman, kilala bilang Amir ng DI-HG. Ayon kay Brigadier General Edgar Catu, “Ang kooperasyon ng taumbayan ang naging daan upang matukoy ang galaw at lokasyon ng grupo. Dahil dito ay matagumpay na naisagawa ang operasyon laban sa pinuno ng Dawlah Islamiya.”

Si Solaiman ay kilalang eksperto sa paggawa ng bomba at iniuugnay sa serye ng pambobomba sa mga bus at pampublikong lugar sa Mindanao. Siya rin ay kapatid ni Ustadz Kamaro Usman, na napatay sa operasyon noong Marso 2020, at pamangkin ng kilalang teroristang si Basit Usman, dating bomb maker ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na may koneksyon sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya.

Ayon sa ulat ng 6th Infantry Division (6ID), kasama ni Solaiman sa operasyon si Norodin Hassan alias Andot, na kilala bilang Amir for Military Affairs ng DI-HG. Ang kanilang grupo ay kabilang sa mga natitirang tauhan ng dating lider na si Abu Azim, na napatay sa Mamasapano noong 2021.

Binigyang-diin ng militar na malaking tagumpay ang pagkakapatay kay Solaiman dahil siya ang isa sa mga pinakamapanganib na operatiba sa Central Mindanao. “This is a major blow to the Dawlah Islamiyah remnants. Solaiman’s death will significantly weaken their operational capacity,” ayon sa pahayag ng 6ID.

Dagdag pa ng ulat, ang operasyon ay bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga natitirang miyembro ng Dawlah Islamiyah na sangkot sa human trafficking, extortion, at iba pang aktibidad ng terorismo.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa mga natitirang kasapi ng DI-HG upang tuluyang masupil ang kanilang presensya sa Maguindanao del Sur at karatig-lugar.