Gambling ads, bawal na sa Pasig
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-08 18:32:09
DISYEMBRE 8, 2025 — Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Paig ang mahigpit na pagbabawal sa lahat ng uri ng patalastas at promosyon ng sugal sa lungsod, matapos aprubahan ang Ordinance No. 26 s-2025 na inakda ni Konsehal Paul Senogat. Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa bisyo na matagal nang nagpapahirap sa maraming residente.
Sakop ng ordinansa ang lahat ng anyo ng advertising sa pampublikong espasyo gaya ng billboard, poster, LED screen, transit ads sa mga pampasaherong sasakyan, terminal, building wraps, leaflets, brochures, at flyers. Pinapayagan lamang ang anumang anunsyo sa loob ng mismong pasilidad ng lisensyadong casino o betting outlet.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, bagama’t limitado ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa mga pambansang o online na plataporma, malaking hakbang pa rin ang pagbabawal ng mga patalastas sa loob ng Pasig.
“May mga bagay na hindi na sakop ng kapangyarihan ng local government unit (LGU), lalo na kung national/online ang pinag-uusapan, pero malaking hakbang na rin ang pagbabawal ng advertisement nito sa ating lungsod. Bakit? Ang dami ko nang nakita na nalulong at nasira ang buhay dahil sa mga active-play gambling games. Kung kusang hanapin ito ng isang tao, desisyon niya yun; pero ibang usapan naman yung maya't maya pinapaalalahanan/hinihikayat ka pabalik doon,” paliwanag ng alkalde.
Matatandaang noong 2022, unang ipinagbawal ng Pasig ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga e-gambling shop sa bisa ng Ordinance No. 55 s-2022. Sakop nito ang online casinos, e-games, e-bingo, online sabong, poker, at iba pang computer gaming stations, pati na ang mga service provider na nagbibigay ng teknikal na suporta sa naturang mga laro.
“Ngayon, masaya ako dahil banned na rin ang POGO sa buong Pilipinas at meron pa ngang na-convict na dahil sa mga kaugnay nitong krimen,” dagdag ni Sotto.
Sa bagong ordinansa, muling pinagtibay ng Pasig ang posisyon nito bilang nangungunang lungsod sa bansa na tahasang kumakalaban sa sugal, sa layuning protektahan ang kalusugan, kabuhayan, at kinabukasan ng mga Pasigueño.
(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)
