University of Cebu students, gumawa ng digital app para mapabilis ang pag tugon sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-03 14:09:51
CEBU — Sa gitna ng patuloy na recovery efforts mula sa lindol, tatlong estudyante mula sa University of Cebu (UC) ang bumuo ng isang digital application na naglalayong tulungan ang mga residente na direktang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa mga developer na sina Vince Datanagan, Ralph Adriane Dilao, at Clint Alonzo, layunin ng app na magsilbing tulay sa pagitan ng mga nangangailangan ng tulong at ng mga handang tumulong, kabilang ang mga indibidwal, lokal na pamahalaan, NGOs, at iba pang organisasyon.
Sa pamamagitan ng app, maaaring:
Para sa mga nangangailangan: I-pin ang lokasyon upang humingi ng agarang tulong at ilahad ang kanilang pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, gamot, o pansamantalang tirahan.
Para sa mga donor at organisasyon: Tingnan ang real-time requests na naka-pin sa mapa, makita ang detalye ng pangangailangan, at agad na makapagpadala ng tulong sa lugar kung saan kinakailangan.
Sa isang pahayag, sinabi nila, "Cebu, we are with you. ???????? In these challenging times, every cry for help matters. This app is just our way to help and contribute. Any bugs or errors—please report them to us. This isn’t just an app—it’s Bayanihan made digital. Every pin represents a family. Every pin represents a life. ???? Let’s come together, Cebu. Help will find its way. ????"
Ayon sa mga estudyante, bukod sa pagtulong sa mabilis na paghahatid ng tulong, layunin din ng proyekto na hikayatin ang komunidad at kabataan na maging aktibo sa pagtulong gamit ang makabagong teknolohiya. “Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, mas mapapabilis ang koordinasyon sa relief efforts at mas marami ang matutulungan sa oras ng sakuna,” dagdag nila.
Ang app ay bukas para sa lahat ng nais tumanggap o magbigay ng tulong, at inaasahang magiging mahalagang instrumento sa pagtugon sa kalamidad sa Cebu at sa iba pang bahagi ng bansa. Ayon sa mga developer, ang bawat pin sa app ay kumakatawan sa isang pamilya at sa kanilang pangangailangan, kaya mahalaga ang tamang paggamit nito at ang pag-iwas sa spam, lalo na sa panahon ng emergency.
Larawan mula kay Clint Alonzo