Diskurso PH
Translate the website into your language:

72 patay, daan-daang sugatan sa magnitude 6.9 na lindol sa Cebu

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-06 09:28:16 72 patay, daan-daang sugatan sa magnitude 6.9 na lindol sa Cebu

CEBU — Umakyat na sa 72 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD).

Sa panayam ng GMA Integrated News, kinumpirma ni OCD Officer-in-Charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na, “As of this morning, nasa 72 ang ating numero diyan sa mga [fatalities]. At sa sugatan, 559 ang reported sa atin. Wala pong reported missing sa atin.” Dagdag pa niya, nasa early recovery stage na ang mga apektadong lugar, kabilang ang clearing operations at pag-aayos ng mga nasirang pasilidad.

Ayon sa OCD, mahigit 170,000 katao o 47,231 pamilya ang naapektuhan ng lindol. Sa kasalukuyan, 405 pamilya ang nasa evacuation centers, habang 7,000 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang lugar dahil sa patuloy na aftershocks. Tinatayang 3,800 bahay ang nasira, kung saan 501 ang partially damaged at 96 ang tuluyang gumuho.

Naglaan na rin ang pamahalaan ng ₱94 milyong halaga ng ayuda para sa mga biktima, kabilang ang food packs, hygiene kits, at emergency shelter materials. Nagtayo na rin ng tent cities bilang pansamantalang tirahan para sa mga nawalan ng bahay.

Samantala, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa ₱3 bilyon ang pinsala sa imprastruktura, kabilang ang mga tulay, kalsada, at pantalan sa Northern Cebu. Siyam na kalsada ang nananatiling hindi madaanan, habang ilang tulay sa San Remigio, Tabuelan, at Daanbantayan ay hindi pa rin ligtas gamitin.

Patuloy ang koordinasyon ng OCD, DPWH, at mga lokal na pamahalaan upang maibalik ang normal na daloy ng transportasyon at maihatid ang tulong sa mga apektadong komunidad.

Larawan mula kay Nicodimo Saguirel