Aso itinanghal na bayani matapos iligtas pamilya sa lindol sa Cebu
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-06 09:28:15
DAANBANTAYAN, CEBU — Isang aso ang itinanghal na “bayani” matapos nitong saluhin ang bigat ng gumuhong bahagi ng kanilang bahay upang mailigtas ang kanyang amo at anak nito sa gitna ng malakas na lindol na tumama sa Cebu noong Setyembre 30.
Kinilala ang aso bilang si Luke, alaga ng pamilyang Postrero sa Barangay Paypay, Daanbantayan. Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, ilang oras bago tumama ang magnitude 6.9 na lindol, hindi mapakali si Luke at kahol nang kahol habang paikot-ikot sa loob ng bahay. “Hindi na mapakali at kahol nang kahol si Luke bago pa maganap ang lindol,” ayon sa kuwento ng pamilya.
Nang mangyari ang pagyanig, bumagsak ang bahagi ng kanilang bahay kung saan naroon ang mister ni Angelita Postrero at ang kanilang walong taong gulang na anak. Sa halip na tumakbo palayo, mabilis na isinalag ni Luke ang sarili sa pagitan ng pamilya at ng mga bumabagsak na debris, ayon sa animal welfare group na Hope for Strays.
“Suddenly, Luke jumped and shielded my husband and son. He took the hit,” ani Angelita sa panayam. Dahil sa kabayanihan ng aso, nailigtas ang mag-ama mula sa posibleng malalang pinsala. Sa kasamaang-palad, si Luke ang nagtamo ng matinding sugat sa mga paa at maselang bahagi ng katawan. Hindi pa tiyak kung muli pa siyang makalalakad.
Dahil sa limitadong kakayahan ng pamilya na tustusan ang gamutan ni Luke, humingi ng tulong ang Hope for Strays sa publiko. “Aso siyang lumaban para sa pamilya niya. He deserves all the rest and recovery in the world. Send your healing thoughts to Luke!” ayon sa pahayag ng grupo sa kanilang social media page.
Dinala si Luke sa isang veterinary clinic kung saan siya kasalukuyang nasa intensive care unit. Sumailalim na siya sa x-ray at iba pang pagsusuri upang matukoy ang lawak ng pinsala. Samantala, ang pamilya Postrero ay patuloy na nagpapagaling mula sa trauma ng lindol.
Hinangaan ng lokal na komunidad sa Daanbantayan ang kabayanihan ni Luke, na itinuturing ngayong simbolo ng katapatan at pagmamahal ng alagang hayop sa kanyang pamilya. “Muli niyang pinatunayan na ang aso ay hindi lamang bantay, kundi tunay na kaagapay sa buhay,” ayon sa barangay officials.