PHIVOLCS: 6,967 aftershocks naitala matapos ang Cebu quake
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-06 09:28:17
CEBU — Umabot na sa 6,967 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Northern Cebu noong Setyembre 30, ayon sa pinakahuling ulat ng ahensya nitong Lunes.
Sa panayam ng GMA Integrated News, sinabi ni PHIVOLCS Director Teresa Berador na, “As of 8 a.m. today, we have recorded 6,967 aftershocks, with 153 of them felt by residents.” Dagdag pa niya, karamihan sa mga aftershock ay may lakas na magnitude 1.5 hanggang 3.5, ngunit may ilan ding umabot sa magnitude 4.0 pataas.
Ayon sa PHIVOLCS, inaasahang magpapatuloy pa ang mga aftershock sa loob ng ilang linggo, lalo na sa mga lugar na malapit sa epicenter sa Bogo City. “This is a normal seismic activity following a major earthquake. The crust is still adjusting,” paliwanag ni Berador.
Nagbabala ang ahensya sa publiko na maging alerto pa rin sa posibleng pagguho ng lupa, pagbitak ng kalsada, at pagbagsak ng mga istruktura na humina dahil sa sunod-sunod na pagyanig. Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang structural integrity assessments sa mga gusali, paaralan, at ospital.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 72 ang bilang ng mga nasawi at 559 ang sugatan sa naturang lindol. Mahigit 47,000 pamilya ang naapektuhan, at libu-libo pa rin ang nananatili sa mga evacuation centers.
Patuloy ang koordinasyon ng PHIVOLCS sa OCD, DPWH, at LGUs upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng patuloy na seismic activity.
Larawan mula kay Nicodimo Saguirel