Lino Cayetano hinikayat ang kapatid na si Sen. Alan na isuko ang kapangyarihan para sa reporma
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-06 09:56:11
MANILA — Sa gitna ng panawagan para sa malawakang political reform, nanawagan si dating Taguig City Mayor at direktor Lino Cayetano sa kanyang kapatid, Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na bitawan ang kapangyarihan at pangunahan ang pagbabago sa gobyerno sa pamamagitan ng personal na sakripisyo.
Sa isang Facebook post noong Oktubre 5, sinabi ni Lino na sinusuportahan niya ang panukala ni Alan para sa snap elections at pagbitiw ng mga opisyal ng gobyerno, ngunit iginiit na dapat magsimula ang mga Cayetano sa kanilang sarili. “I support this proposal. I agree with my brother Alan and ask that we start with ourselves,” ani Lino. “Give up power. And this movement for real transformation will be a legacy our Father will be truly proud of.”
Dagdag pa niya, handa ang Taguig City na magpatuloy kahit wala ang Cayetanos sa puwesto. “The Senate will function without the Cayetanos while Taguig has a very capable Vice Mayor and the Cayetano political party has had 15 years to run Taguig City and institute reform. Matibay na dapat ito,” aniya.
Sinabi rin ni Lino na dapat walang Cayetano ang tumakbo sa 2028 elections, bilang patunay ng sinseridad sa panawagan para sa pagbabago. “Your proposal will show the entire world that THIS GENERATION of Filipino leaders are willing to sacrifice and step aside for the next generation and we are ready to help them lead — NOW,” dagdag niya.
Ang pahayag ay tugon sa panukala ni Alan Peter Cayetano na “What if we all just resign and allow a snap election… with one important addition — no incumbent from the above can run for one election cycle.” Ayon sa senador, nawawala na ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno. “If we truly serve them, then starting over shouldn’t scare us,” ani Alan.
Ang panawagan ay lumutang sa gitna ng mga kontrobersiya sa flood control projects at sunod-sunod na pagbibitiw ng ilang opisyal sa Kongreso at Senado. May mga ulat na si Alan ay posibleng makakuha ng sapat na boto upang maging bagong Senate President, bagay na lalong nagpapainit sa usapin ng kapangyarihan sa lehislatura.