Jackie Chan, nakipaghalikan sa kapwa lalaki?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-05 23:32:23
CHINA — Nagulat at napa-react ang mga manonood sa Shenzhen, China nang muling maghalikan sa entablado ang legendary action star na si Jackie Chan (71) at singer-actor na si Wang Leehom (49) sa konsiyertong The Best Place ni Wang Leehom.
Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ng dalawa ang ganoong eksena sa publiko, marami pa rin ang nabigla nang makita nilang inulit muli ng mga artista ang kanilang signature kiss — isang kilos na dati nang naging usap-usapan sa social media.
Ayon sa ilang netizens, ang naturang tagpo ay isang simbolikong pagpapahayag ng 17-taong pagkakaibigan nina Jackie at Wang Leehom — isang “father-and-son dynamic” na sumasalamin sa kanilang malalim na ugnayan sa kabila ng agwat sa edad.
Gayunman, hindi rin naiwasan ng dalawa ang batikos. Para sa iba, lumalampas umano ito sa inaasahang hangganan ng asal ng mga kilalang personalidad, samantalang para naman sa mga tagasuporta, isang pagpapakita ito ng katapatan at tunay na emosyon sa gitna ng showbiz na puno ng pagkukunwari.
Sa likod ng kontrobersyang ito, nakikita ng ilan ang mas malalim na usapin: ang walang katapusang pagtatalo sa pagitan ng “sincerity” at “performance” sa mundo ng aliwan — kung saan minsan, ang tunay na damdamin at palabas ay nagiging iisa sa mata ng publiko. (Larawan: Google)