Tingnan: Alex Gonzaga, sinorpresa ang longtime fan PWD artist sa Baguio
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-05 23:49:32
BAGUIO — Isang emosyonal at inspiradong sandali ang ibinahagi ni Alex Gonzaga sa kanyang latest vlog na “Why We Went To Baguio,” kung saan sinorpresa niya ang isang matagal nang tagahanga — ang PWD artist na si Mark Agcaoili.
Sa nasabing vlog, ikinuwento ni Alex na matagal na niyang nakikita ang mga obra ni Mark online — mga detalyadong drawing na madalas ay larawan ng mga paborito niyang artista, kabilang na siya mismo at ang kanyang asawa. Nagsimula ang lahat nang makita ni Alex ang isang Facebook post ni Mark kung saan ipinakita nito ang kanyang ginawang portrait nina Alex at Mikee Morada.
Ayon kay Alex, hindi lang simpleng biyahe ang pagpunta niya sa Baguio. “Ang gagawin natin ngayon sa Baguio, pupuntahan natin lahat ng mga pinuntahan namin nung bata kami. At meron din akong sosorpresahin,” ani ng TV host-actress.
Sa isang eksibit sa Baguio ginanap ang sorpresa. Akala ni Mark ay isang panayam lang ang mangyayari, ngunit laking gulat niya nang personal na lumapit si Alex. Kitang-kita sa video ang saya at pagkabigla ng artist, na agad namang niyakap nang mahigpit ni Alex.
Si Mark, na tubong Isabela, ay nagsimulang mag-drawing gamit ang paa matapos siyang ma-diagnose ng meningitis noong 11 taong gulang — sakit na naging dahilan ng kanyang kalagayan bilang person with disability (PWD). Sa halip na sumuko, ginamit niya ang sining upang magbigay-inspirasyon sa iba.
“Kung wala siya sa Baguio, wala tayo dito,” sabi ni Alex, na labis na humanga sa determinasyon at talento ni Mark. Marami ring netizens ang naantig sa naturang vlog, na ngayon ay trending online, at itinuturing itong isang paalala ng kabutihan, inspirasyon, at tunay na koneksyon sa pagitan ng artista at tagahanga. (Larawan: Alex Gonzaga / Facebook)