‘Kumakatok ka pa lang, dinidibdiban na kita!’ — Luis Manzano, may pabirong hirit sa mga nagbabalak na manligaw sa kanyang anak na ikinatuwa ng netizens
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-05 23:13:34
MANILA — Tila seryoso pero may halong tawa ang naging pahayag ng mag-amang Luis at Edu Manzano tungkol sa magiging proteksiyon nila sa mga anak at apo, lalo na kay Isabelle Rose, o mas kilala bilang Baby Rosie, anak nina Luis at Jessy Mendiola.
Sa isang nakakaaliw na usapan, nagbiro si Luis tungkol sa mga posibleng manliligaw ng kanyang anak sa hinaharap.
“Magbabantay tayo,” ani Luis, sabay sabing, “May mga nagbabalak diyan na balang araw.”
Sumang-ayon naman ang ama niyang si Edu, at sabay silang nagbiro tungkol sa pagiging istrikto bilang mga tatay.
“Kilalanin ‘yung kamao ng mga Manzano. Walang manliligaw sa anak ko. Kumakatok ka pa lang sa pinto namin, dinidibdiban na kita!” pabirong wika ni Luis na sinabayan ng tawa ng kanyang ama.
Dagdag pa ni Edu, “Kay Isabella, kay Rosie, tsaka kay Peanut — pare-pareho lang ‘yan. Kami nag-imbento ng salitang tapang.”
Marami namang netizens ang natawa at natuwa sa pagiging “overprotective” pero sweet na mga tatay ng pamilya Manzano. Sa social media, agad na nag-viral ang clip ng kanilang usapan, na tinawag ng mga fans na “the funniest yet most adorable father-son tandem.” (Larawan: Lucky Manzano / Facebook)